Categories
Blog Everyday Thriving

Pag-unawa sa ating layunin: mga ideya mula sa Sikolohiyang Pilipino

Isa sa mga pinakaimportanteng aspeto ng trabaho namin sa We Thrive ay ang

pagsuporta sa sa mga indibidwal at mga organisasyon para mas mabuo ang kanilang kakayahang intindihin, himayin, at isakatuparan ang kanilang mga layunin.

Lahat tayo ay may sarili nating layunin, at lahat tayo ay may sarili nating paglalakbay patungo kung saan-man tayo pinapadala ng layunin na ‘to. Ang pagtuklas nito ay pwedeng mangyayari sa pagsusuri sa kung ano ba talaga ang mahalaga sa sarili nating buhay; sa pag-unawa ng ating mga kakayahan natin, at kung para saan ba talaga yung mga nasasabing “skills” and “talents” na ‘yon; at sa pagbibigay ng oras at lakas sa serbisyo ng tinatawag na “greater cause”, katulad ng relihyon, kabansaan, at iba pa (Suttie, 2020). Kung anuman yan, alam natin na yung pagkilala ng ating layunin sa buhay — or sa ibang salita, “sense of purpose” — ay nakabuti sa ating kabuoang kalusugan (Whitbourne, 2023). Sa sarili nating salita: ang “sense of purpose” ay nakakabuti sa ating “pagkatao”, o ang pagkakila at pag-isabuhay ng ating “shared humanity”; at ang ating “pakikipagkapwatao”, o ang pagpapakita ng ating pag-unawa ng pagkatao ng iba sa ating pakikipag-ugnayan sa kanila (Lagdameo-Santillan, 2018). Sa ating kultura, importante ang dalawang aspeto na ito sa ating pang-araw-araw na pagbubunyag ng ating layunin sa buhay.

Ang kagandahan sa ating wika ay pwede pa nating mas laliman ang ideya na ito. Sa mga pag-aaral sa Sikolohiyang Pilipino, isa sa mga natunan natin ay kayang ibuod ang usapan tungkol sa layunin sa buhay sa ating karanasan ng pagkatao at pakikipagkapwatao. Sa kulturang Pilipino, ang “shared humanity” — ang ideya na nakasalalay ang ating karanasan bilang indibidwal sa konsepto na tayo ay isang bahagi na bumubuo sa isang mas malaking nilalang — ay hindi lamang natutunan pero sinasabuhay. Isa pang tawag sa oryentasyon ng isang kultura tungo sa pangkalahatan ay “collectivist” (Suh and Lee, 2020). At kitang-kita ito sa wika natin mismo. Sa isang pag-aaral na sinulat ng propesor ng pilosopiya na si Jacklyn Cleofas: “The focus on kápuwâ is so important that it is a central feature of the language; the prefix ka- specifically derives from kápuwâ and is used to form nouns that denote companion or fellow in some specific domain or activity” (Cleofas, 2016). Ka-patid, ka-klase, ka-biyak, ka-irog, — ang aspeto ng “kapwa” o “kapuwa” ay isa sa mga nagbubuo ng konsepto natin ng ating mga kaugnayan sa iba at sa ating sarili. Karagdagan sa puntong ito, sinipi ni propesor Jacklyn Cleofas sa kanyang pag-aral ang iba pang mga sikolohista na umakda sa librong “Social Psychology in the Philippine Context”, kung saan sinabi na: “the core descriptive concept for Filipino psychology is relational rather than personality or value-laden” (Macapagal et al. 2013, 13). Sa ibang salita: ang puso ng sikolohiya ng Pilipino ay nasa ating pakikipag-ugnayan sa iba.

Maliban sa paghatid at pagtanggap ng impormasyon, isa sa mga pinakaimportanteng tungkulin ng wika ay bilang instrumento sa pagkikilala sa ating sarili at sa ibang tao — sa ating pagkatao at sa pagkatao ng iba (Britannica, 2023). Kung makikinig tayo sa bigat na binibigay nito sa konsepto at karanasan ng “kapwa”, ano kaya ang pwede natin matunan sa sarili nating wika tungkol sa ating layunin sa buhay at yung bumubuo sa ating “pagkatao”? Para sa Buwan ng Wika, magbibigay tayo ng tatlong maiikling pagninilayan ukol sa ating mga “paninindigan” o “convictions” na inilista ng tinatawag na “Father of Filipino Psychology” na si Dr. Virgilio Enriquez sa isang papel na pinamagatan “Filipino Psychology in the Third World” na inilathala nuong 1977 (Enriquez, 1977):

Paggalang” o respect

Sa pang-araw-araw, tayo ay nagbibigay-galang sa mga iba’t ibang mga tao (katulad sa mga mas nakakatanda sa atin sa pamilya), mga bagay (katulad ng mga mana’t manang gamit o “heirloom”), at mga pinaniniwalaan (katulad ng relihiyon). Ginagalang natin ang mga ito kasi, sa iba’t ibang paraan, importante sila. Kaya gusto natin siyang ingatan, ayaw natin siyang sayangin, at iba pa. Pwede natin tanungin ang ating mga sarili kung bakit nga ba natin ginagalang ang mga ito. Bakit nga ba sila importante? Paano ba natin ito ginagalang? At ang paggalang ba natin sa mga ito ay nakakabuti sa ating buhay, o kaya’y ang ating paggalang ay posibleng humahadlang sa ating tunay na layunin sa buhay?

Pagdamay” o helping

Sa orihinal na papel ni Enriquez, ang pagsasalin sa “pagdamay” ay “helping”. At totoo naman na ang pagtulong ay isang aspeto ng pakikiramay. Pero sa ating wika, pag sinasabi na “damay” tayo sa isang tao o sitwasyon, hindi lang ibig-sabihin na nagbibigay tayo ng suporta sa usapan ng pera o gamit lamang. Ang pagdamay ay mas malalim pa dun, sapagkat ang binibigay natin ay ang ating oras at lakas — ang ating pagkatao. Pwede natin tanungin ang ating mga sarili kung paano ba tayo nakikiramay. Bakit ba tayo nakikiramay, at paano ba natin pinagdedesisyunan kung kanino tayo makikiramay? At anong mga aspeto ng ating pagkatao ba yung ating inaalok pag tayo ay nakikiramay?

Pagpuno sa kakulangan” o understanding limitations

Isa sa mga punto ng ating pagkatao ay meron tayong mga limitasyon. May mga limitasyon tayo sa ating mga kakayahan, kaalaman, at kagalawan. Meron din tayong mga limitasyon sa atin kaisipan, karamdaman, at kiling. At siguro ang pinakaimportanteng limitasyon: balang araw, magtatapos ang ating buhay. May hangganan hindi lamang ang mga bagay na kaya nating baguhin o likhain, pero pati na rin ang ating oras mismo sa mundo. Pwede natin tanungin ang ating mga sarili kung paano ba natin nauunawan ang ating mga kakulangan. Ano ang mga kakulangan sa ating buhay na pwede nating asikasuhin tungo sa ating layunin? Paano natin malalaman kung anong mga kakulangan sa atin ay dapat sikapin nating ibago, o dapat sikapin nating tanggapin? At ano nga ba ang kailangan nating maranasan at matupad sa buhay nating may hangganan?

Para sa mga serbisyo ukol sa ating mental health at pangkabuoang kalusugan, mag-email sa resilientteams@wethrivewellbeing.com at kausapin para makilahok sa aming mga aktibidad kasama ang aming mga mental health clinicians.

References (in order of appearance)

  1. https://greatergood.berkeley.edu/article/item/seven_ways_to_find_your_purpose_in_life 
  2. https://www.psychologytoday.com/intl/blog/fulfillment-at-any-age/202305/what-gives-your-life-a-sense-of-purpose 
  3. https://www.pressenza.com/2018/07/roots-of-filipino-humanism-1kapwa/ 
  4. https://archium.ateneo.edu/cgi/viewcontent.cgi?article=1012&context=philo-faculty-pubs 
  5. https://link.springer.com/referenceworkentry/10.1007/978-3-319-24612-3_2017 
  6. https://www.britannica.com/topic/language 
  7. https://www.pssc.org.ph/wp-content/pssc-archives/Philippine%20Journal%20of%20Psychology/2002/07_Filipino%20Psychology%20in%20the%20Third%20World.pdf